Maniwala man kayo o hindi, may mga unicorn sa karagatan, pero hindi sila mga kabayo. May mga balyenang may sungay sa noo, at yon ang mga tinatawag na narwhal pero noong unang panahon, wala talaga silang sungay. Nagkaron lang sila ng sungay dahil sa isang kahindik-hindik na sumpa na ipinataw sa lolo ng lahat ng balyenang narwhal.
Nagsimula ang lahat dahil kay Don-don, isang pasaway na narwhal na nakatira sa karagatan ng Canada. Pasaway siya dahil siya ay isang sinungaling na bata. Lagi na lang siyang nagsisinungaling. Halimbawa, sabi niya sa isang tindera sa isang kantong may mamang nakatayong nakakulay yellow na t-shirt, “Ale, ang ganda nyo naman,” sabay ubo dahil mukhang paang na-murder ang ale. “Pwede ba akong makitawag ng libre sa payphone ninyo? Nawala ko kasi pera ko, eh.” Naniwala naman yung ale at nagtelebabad ang pasaway na bata. Marami pang beses na nagsinungaling ang batang balyenang si Don-don.
Isang araw, lumalangoy siya at may nakasalubong siyang isang lolang nanghihingi ng Fita. “Apo, pwede ba akong makahingi ng Fita?” ang sabi ng matanda.
“Ay, lola, wala po akong Fita," ang sabi ni Don-don sabay pahid ng mumo ng biskwit na nasa bibig pa niya.
Dahil buking na buking naman ang loko, nagalit ang lola na isa palang engkantada. Isinumpa niya ang batang balyena:
Dahil sa iyong kasinungalingan,
Ikaw ay aking tuturuan
Ng isang leksiyong di mo makakalimutan.
Sa bawat kasinungalingang iyong babanggitin,
Ang noo mo'y laging sasamain
Hanggang hindi ka na makatingin sa iyong salamin.
Poof! Nawala ang lola, pero mapapansing may amoy ng Koko Krunch sa paligid.
Hindi pinagtuunan ng pansin ni Don-Don ang sumpa pero buong araw siyang nanahimik dahil di niya makalimutan ang amoy ng Koko Krunch na ikinagutom niya. Sa sama ng loob, itinulog na lang niya ang gutom niya.
Kinabukasan, tinamad siyang pumasok sa eskwelahan kaya sinabi niya sa nanay niyang may sakit siya. Ang sabi niya, "Nay, pumunta po kayo sa school ko kasi po may sakit po ako. Sabihin niyo kay Teacher Brenda, sa isang linggo na lang ako papasok." Sa totoo lang, gusto talaga niyang maka-alis ng bahay para dumilihensiya ng Koko Krunch sa utu-utong ale sa tindahan sa kantong may mamang nakatayong nakakulay yellow na t-shirt. Dahil utu-uto din ang nanay niya, hindi nito hinipo man lang ang noo ng anak niya. Umalis ito papunta sa eskwelahan ng talipandas niyang anak. Nang nakalayo na ang nanay niya, dali-daling nagbihis si Don-Don at pumunta na sa tindahan.
Sa tindahan, ang sabi niya, "Ale, long time no see na po. Nasaan na po ang korona ninyo?"
"Korona? Ano bang pinagsasasabi mo diyang korona?" ang naguguluhang sagot ng ale.
"Ah, hindi po ba kayo nanalo ng beauty contest? Ang ganda niyo po kasi eh. Pwede po bang makahingi ng isang box ng Koko Krunch?"
Dahil likas din naman ang pagkatalandi ng ale na nadadala sa pambobola, inabutan niya ng dalawang box si Don-Don sabay sabing, "Itong batang to talaga! 'Wag mo nang sabihin ang obvious. Teka nga muna, ano yang nasa noo mo?"
"Ay, alin po?" sabay kapa ni Don-Don sa noo niya.
"Ayan oh! Tigyawat ba yan? Naku, wag mo sabihing nai-in-love ka sa akin, hijo," pakirengkeng na sagot ng ale.
Para matapos lang ang usapan, um-oo si Don-Don at nagpaalam nang uuwi. Pumayag naman ang ale at nagpabaon pa ng gatas para sa Koko Krunch. Nang sinabi niya yon, bigla na lang uminit ang ulo niya at naramdaman niyang may lumalabas mula sa "tigyawat" niya sa noo. Nang makauwi si Don-Don, naabutan niya ang nanay niyang nakaupo sa tapat ng pinto.
"Aba, Don-Don! Akala ko ba, may sakit ka? Saan ka nanggaling, ha!?!"
"Diyan lang po sa talipapa, Nay. Lumakas po ang alon at tinangay ako papunta doon" ang paliwanag niya.
"Teka, anak. Ano yang nasa noo mo?" tanong ng nanay niya.
Kinapa ni Don-Don ang noo niya. May matigas na bagay na umusbong mula sa tigyawat niya. Dahil sa pagkabigla, sinabi niyang nabato siya ng isang galit na tindero ng gulay ng isang carrot at dumikit ito sa noo niya. Naramdaman niyang umiinit na naman ang noo niya kaya bigla na lang siyang lumangoy papunta sa kwarto niya. Nagtalukbong siya ng kumot pero parang useless dahil nakaangat ang isang bahagi non dahil sa sungay na tumutubo sa noo niya. Dahil concerned ang nanay, lumangoy din ito papunta sa kwarto ni Don-Don. Pagdating sa kwarto, kinausap niya ang anak niya.
"Anak, naku, may sakit ka yata talaga. Gusto mo ng gamot? Anong gusto mo, Andok's Liempo?"
Umiling si Don-Don at nagkunwaring natutulog na. Pagkaalis ng nanay niya, tumingin siya sa salamin at nakita nga niya ang mala-unicorn niyang sungay. "Hindi! Hindi! Wala akong sungay!" ang mariing denial niya sa kanyang nakikita. Dahil hindi katotohanan ang sinabi niya, uminit na naman ang ulo niya at humaba lalo ang sungay. Kasing haba na ito ng isang bananaque stick!
"Nakupo! Paano ko itatago sa nanay ko ito?" ang tanong niya sa sarili. Sa kakaisip, napagod na si Don-Don at nakatulog.
Bigla na lang siyang nagising sa isang tili.
"WAAAHHH! Ano yan!?!" ang tili ng nanay niya. "Anong nangyari sa iyo, anak?"
Pupungas-pungas pa ng mata si Don-Don pero may naisip na siyang alibi agad, "Nay, genetics po ang tawag diyan. Sabi po ng doktor, kasalanan niyo daw po iyan ni Tatay. May recessive genes daw po kayo parehas na nagpapatubo ng sungay. Nagkataon po na nakuha ko pong pareho kaya lumabas siya."
"Ha? Recessive genes? Nasusuot ba yon? E bakit ngayon lang natin nakita?"
Bago pa makasagot si Don-Don, uminit na naman ang noo niya at humaba lalo ang sungay niya. Kasing haba na ito ng mga billiard sticks ng Rikitiks Billiards, isang bilyaran sa may Sampaloc, Maynila. Wala nang maisip isagot si Don-Don kaya't umamin na siya. Ikinuwento niya ang nangyari at ang sumpa. Pagkatapos niyang ikuwento ang katotohanan, hindi naniwala sa kanya ang nanay niya at siya ay napalo pa ng sinturon. Dahil doon, nagtino na si Don-Don at di na siya nagsinungaling kahit kailan.
Lumipas ang maraming panahon pero hindi nawala ang sungay ni Don-Don. Lagi na lang siyang depressed dahil natulad ang kanyang kapalaran kay Rudolph the red-nosed reindeer. Wala siyang naging kaibigan o girlfriend man lang hanggang nakilala niya is Ikay, isang babaeng narwhal na naisumpa din ng matandang babae. Nagpakasal sila at nagkaron ng maraming anak na tinuruan nilang huwag magsisinungaling kahit kailan. Mahirap man gawin, kayang matutunang huwag magsinungaling dahil makakarating sa langit ang mga tao at balyenang marunong magsabi ng totoo.
The End.










5 comments:
Ay, xempre. Nagmana kaya ako sa iyo. Hohoho!
this was entertaining :)
yeah... entertaining nga. super cool! 10 thumbs up! hahahahaa!
Doña, thanks! Dito na ang bago kong tirahan! Hahaha!
Meg, ipalaganap mo pa ang blog ko. Ahahaha!
Post a Comment